Pages

Munting Pangarap

Lahat ng nilalang ay may minimithi,
malaki man o maliit ito ay hinihingi.
subalit ito ay walang halong pagmamadali,
darating din ang panahon mababakas ang ngiti.

Munting pangarap tungo sa magandang kinabukasan,
mapanatili ang bayan sa mailap na kapayapaan.
simpleng hiling para sa mga kabataan,
masiglang Pilipinas ay kanilang maranasan.

Mahirap bang ibigay ang aking pangungusap?
ano ba ang dahilan mo at anong binabalak?
militar ka o rebelde iisa ang hinahanap,
matiwasay na pamumuhay ang nais malasap.

Itigil ang putukan! umupo at mag- usap tayo,
paulit-ulit na lamang at hindi na sa atin bago.
sino ba ang nasa likod ng mga kaguluhang ito?
magtuturuan na lamang ba sa nagpapatayang kapwa Pilipino.

Kay sarap sigurong mamuhay kung lahat ay nagkakaisa,
kapit-bisig ang mga Pilipino at sagana sa tuwina.
kaligayahang kalakip ay isang magandang pag-asa,
sa darating pang henerasyon atin pang ipamamana.

Madaling maging Pilipino, kaysa magpaka-Pilipino,
iyan ang pagkatao sa aking sarili napagtanto.
ipagtanggol ang bayan gaya ng mga ninuno,
laban sa mga dayuhan upang kalayaan ay matamo.

Wika ni Don Lucas "kung maibabalik ko lamang,
kagandahan ng Pilipinas na una niyang nasilayan.
saganang ani at mineral na yaman,
luntiang kabundukan angkin ang kariktan".

Ano pa ba ang kulang sa kasalukuyang panahon?
tila ba ang pangarap ay lubusang naglaon.
hindi pa huli ang lahat sa muling pagkakataon,
mahal kong Pilipinas gabayan mo Panginoon.

1 comments:

Grekperomz said...

Sana matupad ang munting pangarap... mabuhay ka Don Lucas!

Post a Comment